MANILA, Philippines — Nagtala ng upset win ang Lyceum of the Philippines University at Emilio Aguinaldo College sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) kahapon sa Arellano University gym.
Minantsahan ng Junior Lady Pirates ang malinis na baraha ng De La Salle-Lipa, 25-19, 25-20, sa Pool A, habang kinalos ng Lady Brigadiers ang De La Salle-Zobel, 25-23, 25-22, Pool B.
Parehong inirehistro ng Lady Pirates at Lady Brigadiers ang 1-1 record.
Pinamunuan ni Philip Gancia ang opensa para sa LPU matapos magtala ng 10 markers, pero si Angelica Cruz ang nahirang na Best Player of the Game sa inilistang limang attacks at dalawang blocks.
Dahil sa panalo ng LPU ay nakabangon sila mula sa opening day loss kontra sa Bethel Academy sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Smart Sports, Mikasa, Team Rebel Sports, Data Project, Genius Sports at Robinsons Malls.
“Noong nangyari ang laro kahapon sobrang disappointed kami. Pero bumawi kami sa training kahapon at pinaghirapan naming makabawi sa mga errors namin sa game namin today,” pahayag ni Cruz. “Sobrang determinado kaming manalo ngayon at maipakita ang best namin.”
Para sa EAC, si Angel Perez ang kumana ng 13 points kasama ang walong kills at limang service aces, habang tumipa si Florence Domo ng walong marka at may limang puntos si Marinel Ramos.