MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na kampanya ng Alas Pilipinas women’s team ay papagitna naman ang national men’s squad.
Hahataw ang mga Pinoy spikers sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Men na nakatakda sa Hunyo 2 hanggang 9 sa Isa Town, Bahrain.
Babanderahan nina Marck Espejo at Jau Umandal ang Alas Pilipinas na nasa Pool A kasama ang China at 2023 runner-up at 2024 host Bahrain.
Kasama rin sa tropa sina JP Bugaoan, Lloyd Josafat, Vince Lorenzo, Owa Retamar, Kim Malabunga, Noel Kampton, Nico Almendras, Jade Disquitado, Rewnzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Joseph Bello at UST ace at UAAP Season 86 MVP Josh Ybañez.
Hindi makakasama si reigning Spikers Turf MVP Bryan Bagunas, bahagi ng Alas Pilipinas 21-man training pool, dahil sa kanyang paglalaro para sa Win Streak team sa Taiwanese league.
Sumalang na sina Espejo, Umandal, Kampton, Lorenzo, Malabunga at Josafat sa 2023 edition ng torneo.
Hahawakan ni Brazilian coach Sergio Veloso ang Alas Pilipinas katulong si Choco Mucho mentor Dante Alinsunurin.
Unang lalabanan ng World No. 57 Pilipinas ang No. 31 China sa Linggo kasunod ang No. 67 Bahrain sa Hunyo 3.
Ang top team sa Pool A, B, C at D ang aabante sa semifinal round ng torneo.