Miller gagabayan ang Squires
MANILA, Philippines — Natupad na ang pangarap ni two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller.
Hinirang ang 46-anyos na si Miller bilang bagong head coach ng Letran Squires para sa darating na NCAA Season 100 juniors’ basketball tournament.
Bago umakyat sa PBA ay naglaro muna ang tubong Olongapo City sa Letran Knights at tinanghal na NCAA Rookie of the Year noong 1995.
Siya ang No. 1 overall pick ng Red Bull ni coach Yeng Guiao noong 2001 at itinambal kay Cebuano hotshot Jimwell Torion sa backcourt.
Nakamit ni Miller ang dalawang PBA MVP trophies noong 2002 Commissioner’s Cup para sa Red Bull at noong 2007 Fiesta Conference para sa Alaska.
Kasalukuyang assistant coach si Miller ni dating Letran Knights mentor Aldin Ayo sa Converge sa PBA.
Makakatuwang ni Miller sa coaching staff ng Squires si dating Knights guard at Converge shooter Kevin Racal.
Pinalitan ng four-time PBA champion sa bench ng Squires si Allen Ricardo na gumiya sa tropa sa back-to-back NCAA juniors crowns sa Season 98 at 99.
Iniluklok naman ng Letran si Ricardo bilang bagong coach ng Knights kapalit ni Bonnie Tan na namamahala sa NorthPort Batang Pier sa PBA.
- Latest