MANILA, Philippines — Pinahalagahan ni Sen. Bong Go ang makasaysayang bronze medal finish ng Alas Pilipinas sa katatapos lamang na 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women.
Sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) ay binigyan ni Go ang bawat miyembro ng national team at coaching staff ng tig-P200,000 bilang cash incentive.
“Senator Bong Go expressed intent to provide financial support through the PSC amounting to 200k to each qualified athlete and coach of Alas Pilipinas” sabi ng staff ni Go na kilalang taga-suporta ng mga Pinoy athletes.
Sinasabing pumayag ang mga Pinay spikers sa P15,000 allowance sa buong torneo para sumabak sa AVC Challenge Cup for Women na muling pinagreynahan ng Vietnam mula sa 25-20, 25-22, 25-22 panalo sa Kazakhstan sa gold medal match.
Gumawa ng kasaysayan ang Alas Pilipinas matapos ang kanilang podium finish sa AVC Challenge Cup sa unang pagkakataon matapos ang 63 taon.
Winalis ng mga Pinay spikers ang Australia, 25-23, 25-15, 25-7, para kunin ang bronze medal.
Ito ang unang medalya ng Pilipinas matapos pumalo ng dalawang tanso sa 2019 Southeast Asian (SEA) V. League legs sa Nakhon Ratchasima, Thailand at sa Santa Rosa, Laguna.