Pinay Spikers silat sa Kazakhstan
MANILA, Philippines — Tinapos ng Kazakhstan ang suwerte ng Alas Pilipinas matapos hatawin ang 25-23, 25-21, 25-14 panalo sa crossover semifinals patungo sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women finals kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Sasagupain ng World No. 30 Kazakhstan, may 5-foot-11 average height, ang nagdedepensang Vietnam sa gold medal match ngayong alas-7 ng gabi.
Lalabanan naman ng No. 55 Pilipinas ang Australia para sa bronze medal sa alas-4 ng hapon.
“Actually before going here to the venue we told the girls that we have already exceeded the expectations,” wika ni team captain at veteran setter Jia De Guzman.
Bagama’t pinalo ang straight-sets win ay hirap na hirap ang mga Kazakhs na talunin ang mga Pinay spikers.
“I’m really very happy because Philippines is very strong team and we know that we have to give more against them,” wika ni team captain Sana Anarkulova.
Mula sa 7-18 pagkakabaon sa first set ay bumangon ang Alas Pilipinas sa pagbibida nina Angel Canino, Ara Panique at Fifi Sharma para makadikit sa 23-24.
Nakipagsabayan din ang Alas Pilipinas sa second frame kung saan sila nakalapit sa 22-24 mula sa service ace ni Jia De Guzman bago bumigay sa gitna ng third set.
Pinatumba naman ng Vietnam ang Australia, 25-21, 25-19, 25-16, papasok sa finals para puntiryahin ang back-to-back crown ng torneo.
Bumira si Nguyen Thi Bich Tuyen ng 24 points mula sa 21 attacks at tatlong service aces para sa mga Vietnamese.
Sa classification phase, giniba ng Iran ang Hong Kong, 26-24, 26-24, 19-25, 25-19, sa likod ng 26 points ni Aytak Samatgharamaleki para sa tsansa fifth place.
- Latest