Walang imposible! — Cone
MANILA, Philippines — Mataas ang pangarap ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone para sa kaniyang tropa.
At sa ganda ng inilalaro ng Gilas Pilipinas, tiwala ito na abot-kamay na ang inaasam na puwesto sa Olympic Games.
Susubukan ng Gilas Pilipinas na maisakatuparan ito sa oras na umarangkada ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa Riga, Latvia sa Hulyo.
Kailangan lang ng Gilas Pilipinas na matalo ang host Latvia o ang Georgia sa group stage para makalapit sa inaasam na Paris Olympics spot.
“I think for us to think any success at this point, we need to get to the crossover, we need to either beat Latvia or Georgia to feel like we’ve had success,” ani Cone.
Kaya naman pukpukan ang gagawing ensayo ng Pinoy cagers sa training camp nito sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna na magsisimula sa Hunyo 21.
Magkakasama sa Group A ang Pilipinas, Latvia at Georgia habang nasa Group B naman ang Brazil, Cameroon at Montenegro.
“If we can beat one of those two teams, that means we can compete in the crossover. That’s kind of our feeling,” ani Cone.
Alam ni Cone na daraan sa butas ng karayom ang Gilas Pilipinas para maisakatuparan ito.
Subalit handa ang kaniyang bataan na gawin ang lahat.
- Latest