MANILA, Philippines — Desidido si outside hitter Sisi Rondina na tulungan ang Alas Pilipinas sa ratsada nito sa 2024 AVC Challenge Cup na ginaganap sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Isa si Rondina sa pinakamaliit na miyembro ng Alas Pilipinas.
Subalit higante ang mga laro nito sa nakalipas na panalo ng Pinay Spikers.
Humataw si Rondina ng 16 puntos sa panalo ng Alas Pilipinas sa Australia sa opening day kasunod ang siyam na puntos sa pananaig ng tropa sa India at 12 puntos naman laban sa Iran.
Kaya naman walang duda na may ibubuga ito sa international scene.
Masaya ang Choco Mucho outside hitter sa magandang itinatakbo ng kanilang tropa kung saan pasok na sila sa semis anuman ang mangyari sa laban ng Pilipinas at Chinese-Taipei sa huling araw ng group stage kahapon.
Maganda rin ang koneksiyon ng buong team na nagreresulta sa magandang laro.
Halos isang linggo lamang magkakasama sa ensayo ang Alas Pilipinas ngunit hindi ito naging hadlang para makasabay sa malalakas na koponan sa rehiyon.