MANILA, Philippines — Tuluyan nang winalis ng Alas Pilipinas ang Pool A matapos pabagsakin ang Chinese Taipei, 25-13, 25-21, 25-18, sa pagtiklop ng preliminary round ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
“We’re already here, so we won’t stop making history for our country,” ani Eya Laure na bumandera sa opensa ng mga Pinay spikers.
Ipinahinga ni Brazilian coach Jorge Souza De Brito sina Sisi Rondina at Angel Canino at binigyan ng playing time sina Vanie Gandler at Faith Nisperos.
Sa crossovers semifinals ay sasagupain ng Alas Pilipinas ang Kazakhstan habang lalabanan ng Vietnam ang Australia.
Ito ang unang pagkakataon na may isang Philippine team na nakapasok sa semis ng AVC competition bukod pa ang pag-angat ng mga Pinay spikers sa No. 57 mula sa No. 60 sa pinakabagong FIVB women’s volleyball world rankings.
Samantala, kinumpleto ng Vietnam ang four-game sweep para pamunuan ang Pool B papasok sa semifinals.
Tinalo ng defending champions ang Indonesia, 25-17, 25-15, 25-27, 25-13, tampok ang 23 attacks ni outside hitter Vi Thi Nhu Quynh habang may 10 markers si Tran Tu Linh para sa kanilang 4-0 kartada.
Sinikwat naman ng Kazakhstan ang huling semifinals berth mula sa 25-17, 25-18, 25-4 paggupo sa Hong Kong para sa kanilang 3-1 marka sa Pool B sa event na suportado ng Meralco, PLDT, Smart, Akari, Ayala Land, Nuvali, Foton, POC, PSC, Mikasa, Maynilad, Makati Shangri-La, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at PilipinasLive.
Naglista si Sana Anarkulova ng 19 points habang may 16 markers si Zhanna Syroyeshkina sa torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa ilalim ni president Ramon “Tats” Suzara.