MANILA, Philippines — Ilang buwan bago ang Paris Olympics, nagparamdam ng lakas si Ernest John Obiena matapos makasungkit ng gintong medalya sa Los Angeles Grand Prix kahapon sa Drake Stadium sa Los Angeles, California.
Nairehistro ni Obiena ang 5.80 metro sapat para masiguro ang unang puwesto sa men’s pole vault competition.
Ito ang ikatlong ginto ni Obiena sa apat na torneong nilahukan nito ngayong taon.
Tinalo ng Asian Games gold medalist na si Obiena sina Simen Guttormsen ng Norway at KC Lightfoot ng Amerika na parehong nagtala ng 5.70m.
Nasikwat ni Guttormsen ang pilak sa pamamagitan ng countback o sa dami ng attempts bago makuha ang naturang marka habang nagkasya sa tanso si Lightfoot.
Mainit ang simula ni Obiena kung saan lumundag agad ito ng 5.45m at 5.60m habang kinailangan nito ng dalawang attempts para mailista ang 5.70m
Mabilis namang nakuha ni Obiena ang 5.80m para angkinin ang ginto.
Nauna nang nakaginto si Obiena sa Memorial Josip Gasparac sa Croatia tangan ang 5.83m gayundin sa ISTAF Indoor sa Berlin, Germany bitbit ang impresibong 5.93m.
Hindi naman pinalad na makapasok sa podium si Filipino-American Lauren Hoffman na nagkasya sa ikalimang puwesto.