Indiana itinulak ang New York sa Game 7

Tinirahan ni Pacers forward Pascal Siakam si Pre- cious Achiuwa ng Knicks sa Game 6.
STAR/ FIle

INDIANAPOLIS, Philippines —Kumamada si Pascal Siakam ng 25 points at 7 rebounds sa 116-103 pagbawi ng Indiana Pacers sa New York Knicks sa Game Six para itabla sa 3-3 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.

Nagdagdag si Myles Turner ng 17 markers habang may tig-15 points sina Tyrese Haliburton at Andrew Nembhard para sa perpektong 6-0 postseason home record ng Pacers.

Gagawin ang Game Seven sa Madison Square Garden bukas kung saan ang mananalo ang haharap sa Boston Celtics sa conference finals.

“It’s exciting,” wika ni Haliburton. “We’ve got nothing to lose. I think we realize it’s time to empty the clip. We are ready to go from start to finish.”

Pinamunuan ni Jalen Brunson ang Knicks sa kanyang 31 points at may 20 at 17 markers sina Deuce McBride at Donte DiVincenzo, ayon sa pagkakasunod.

Hindi naman natapos ni Josh Hart ang laro nang ilabas sa fourth quarter dahil sa kanyang abdominal soreness.

“I expect him to play,” sabi ni Brunson kay Hart. “It’s Game 7.”

Mula sa 51-61 halftime deficit ay nakadikit ang New York sa 56-61 mula sa dalawang baskets at free throw ni Brunson sa pagsisimula ng third period.

Matapos ang timeout ng Indiana ay nagsalpak sina Nembhard at Haliburton ng magkasunod na triples para ilista ang 11-point lead.

Mula rito ay hindi na binitawan ng Pacers ang double-digit lead hanggang sa pagtatapos ng laro.

Show comments