MANILA, Philippines — Tila handang-handa na si world champion Carlos Yulo sa Paris Olympics matapos masungkit ang gintong medalya sa men’s individual all-around sa 2024 Senior Men Artistic Gymnastics Asian Championships na ginaganap sa Tashkent, Uzbekistan.
Nagpamalas si Yulo ng matikas na performance sa lahat ng mga apparatus — floor exercise, pommel horse, still rings, vault, parallel bars, at horizontal bar — upang makalikom ng impresibing 84.931 points.
Ito ang unang gintong medalya ni Yulo sa individual all-around sa Asian Championships kung saan nagkasya lamang ito sa pilak noong 2022 sa Qatar at sa Singapore.
Pinataob ni Yulo sina Milad Karimi ng Kazakhstan na nagkasya lamang sa pilak na medalya tangan ang 84.632 points at Abdullah Azimov ng Uzbekistan na may malayong 82.431 points para sa tanso.
Inaasahang madaragdagan pa ang koleksiyon ni Yulo dahil hahataw pa ito sa finals ng floor exercise, pommel horse, still rings, vault, parallel bars at horizontal bar.
Tagert ni Yulo na madepensahan ang korona sa vault, floor exercise at parallel bars na pinagharian nito noong 2023 Asian Championships.
Matapos ang Asian Championships ay sasalang si Yulo sa isang buwang training camp sa Metz, France upang magamay nito ang mga equipment na gagamitin sa Paris Games.