MANILA, Philippines — Isinama ang pangalan nina Alyssa Solomon at Bella Belen ng UAAP Season 86 champions National University sa Alas Pilipinas Women team na isasabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Challenge Cup sa susunod na linggo.
Pero gusto munang magpahinga nina Solomon at Belen matapos banderahan ang Lady Bulldogs sa 2-0 sweep sa UST Golden Tigresses sa kanilang title series.
“Parang pinag-iisipan pa po namin na mag-join kasi parang dire-diretso iyong schedule eh,” wika ng UAAP Finals MVP na si Solomon.
Nakatakda ang AVC Women’s Challenge Cup sa Mayo 22-29 sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Bukod kina Solomon at Belen, ang iba pang collegiate players na nasa listahan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ay sina Angel Canino, Casiey Dongallo, Julia Coronel at Thea Gagate.
Nasa tropa rin sina Sisi Rondna, Fifi Sharma, Vanie Gandler, Faith Nisperos, Dawn Macandili-Catindig, Jia Morado-De Guzman, Eya Laure, Dell Palomata, Cherry Nunag at Jennifer Nierva.