MANILA, Philippines — Kagaya ng National Basketball Association (NBA), magkakaroon din ang Premier Volleyball League (PVL) ng isang rookie draft na idaraos sa Hulyo.
Gagawin ang nasabing drafting sa pamamagitan ng lottery na mapapanood sa telebisyon at via streaming, ayon kay PVL Commissioner Sherwin Malonzo.
Ang pagsasagawa ng drafting ang pipigil sa kinaugaliang direktang paghugot ng mga koponan ng mga collegiate players.
Sa pagiging kampeon ng katatapos lamang na 2024 PVL All-Filipino Conference ay ang Creamline ang pinakahuling pipili ng rookie.
Ang kulelat na Strong Group Athletics ang maghihirang sa No. 1 overall pick kasunod ang Capital1 Solar Energy, Galeries Tower at Farm Fresh na tumapos sa 11th, 10th at ninth place, ayon sa pagkakasunod.
Ang Athletics, Solar Spikers, Highrisers at Foxies ang tanging kasali sa lottery habang ang fifth pick ay awtomatikong mapupunta sa No. 8 Nxled Chameleons.
Ang sixth pick ay mapapasakamay ng No. 7 Akari Chargers habang ang seventh at eighth picks ay ibibigay sa No. 6 Cignal HD Spikers at No. 5 PLDT High Speed Hitters, ayon sa pagkakasunod.
Ang huling apat na picks sa first round ay makukuha ng No. 4 Chery Tiggo Crossovers, No. 3 Petro Gazz Angels, No. 2 Choco Mucho Flying Titans at No. 1 Cool Smashers.