MANILA, Philippines — Nagtamo ng injury si Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee sa paglalaro nito para sa Pelita Jaya sa Indonesia Basketball League (IBL).
Sa post ng IBL sa social media ay inihayag nito ang sitwasyon ni Brownlee kung saan kasama ito sa tatlong players ng Pelita Jaya na may injury.
Nakasaad na nagtamo ito ng ‘contusion’ na mangangailangan ng isa hanggang tatlong linggong pahinga para gumaling.
Isa pa naman si Brownlee sa mga aasahan ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo sa Riga, Latvia.
Nakikipag-ugnayan ang Gilas Pilipinas coaching staff kay Brownlee upang malaman ang sitwasyon nito.
Tiniyak naman ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na walang dapat ipangamba dahil minor lamang ang injury ni Brownlee.
Mangangailangan lamang ito ng sapat na pahinga para tuluyan itong gumaling at mabilis na makabalik sa paglalaro si Brownlee.
Ayon kay Cone, ito ang parehong injury na tinamo ni Brownlee sa kasagsagan ng kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2023 Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia.
Si Brownlee ang bumandera sa kampanya ng Gilas Pilipinas para mabawi ang gintong medalya sa SEA Games.
Matapos ang SEA Games ay agad na sumalang si Brownlee sa minor operation.