Hotshots hinablot ang quarterfinals seat
MANILA, Philippines — Swak ang Magnolia sa quarterfinals matapos lusutan ang Terrafirma, 108-100, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumangon ang Hotshots mula sa naunang kabiguan sa Meralco Bolts at San Miguel Beermen para itaas ang kanilang baraha sa 6-4.
Bigo ang Dyip na makadiretso sa ikalawang sunod na panalo at nalaglag sa 5-6 marka.
Humakot si Ian Sangalang ng 23 points, 8 rebounds at 4 assists, habang may 21 markers, 5 boards at 4 assists si Mark Barroca para sa Magnolia na kinuha ang 104-98 abante sa huling 1:14 minuto ng fourth period.
Mintis naman ang dalawang free throws ni Juami Tiongson sa nalalabing 1:05 minuto na naglapit sana sa Terrafirma.
Ang floater ni Barroca ang lalo pang naglayo sa Hotshots sa 106-98 sa natitirang 54 segundo.
Pinamunuan ni No. 1 overall pick Stephen Holt ang Dyip sa kanyang game-high 32 points, habang may 14 at tig-13 markers sina Tiongson, Isaac Go at Javi Gomez De Liano, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nagtayo ang Magnolia ng 68-53 bentahe sa 5:59 minuto ng third period hanggang makabawi ang Terrafirma at makatabla sa 95-95 sa triple ni Holt.
Kumamada sina Sangalang at Rafi Reavies para sa 99-95 kalamangan ng Hotshots na naputol ng Dyip sa 98-99 galing sa tres ni Holt.
- Latest