Choco Mucho nakaisa sa Creamline

aharang ni Sisi Rondina ng Choco Mucho ang tira ni Kyle Negrito ng Creamline.
PVL photo

MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinapos ng Choco Mucho ang limang taong dominasyon sa kanila ng nagdedepensang Creamline.

Itinakas ng Flying Titans ang 13-25, 19-25, 25-21, 25-20, 18-16 panalo kontra sa Cool Smashers sa single-round robin semifinals ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ginawa ng Choco Mu­cho ang pagpatid sa 12-game losing slump sa kanilang duwelo ng Creamline simula noong 2019 PVL Open Conference sa harap ng 6,407 fans.

“Kanina sa game kina-cramps na rin ako pati iyong katawan ko, pero wala akong ibang iniisip kundi magtrabaho lang at tulu­ngan iyong mga teammates ko,” sabi ng 5-foot-6 na si Sisi Rondina na humataw ng 23 points mula sa 21 attacks, isang block at isang service ace para sa Flying Titans.

May 20 markers si Royse Tubino kasunod ang 12 points ni Isa Molde.

“Siguro bumalik lang talaga kami doon sa ginagawa namin sa mga unang panalo namin na nag-e-enjoy kami lahat sa ginagawa namin na kahit naiiskoran kami, tinutuloy lang namin,” dagdag ni coach Dante Alinsunurin.

Binanderahan ni Jema Galanza ang Cool S­ma­shers sa kanyang 23 points at may 21, 18 at 15 markers sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao at Pangs Panaga,ayon sa pagkakahilera.

Dinomina ng Creamline ang first at second set para lumapit sa three-set win.

Ngunit hindi bumitaw ang Choco Mucho sa likod nina Rondina, Tubino at Molde para itabla ang laro sa 2-2 patungo sa fifth frame.

Sa fifth set ay kinuha ng Flying Titans ang 7-3 bentahe bago nakatabla ang Cool Smashers sa 14-14 galing sa crosscourt attack ng 30-anyos na si Valdez.

Muling itinabla ni Valdez ang Creamline sa 16-16 kasunod ang dalawang sunod na hataw ng 27-anyos na si Rondina para selyuhan ang panalo ng Choco Mucho.

Show comments