MANILA, Philippines — Minantsahan ng Letran ang malinis na karta ng Lyceum of the Philippines nang akbayan sila ni rookie sensation Gia Maquilang sa 24-26, 25-20, 25-22, 25-22 panalo sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre, kahapon.
Umiskor si Maquilang ng double-double outing na 18 points kasama ang 16 digs at walong receptions para tulungan ang Lady Knights na tuldukan ang two-game losing skid nila.
Natisod sa unang set, pero bumangon agad ang Intramuros-based squad, Letran upang tuhugin ang tatlong natitirang sets at ilista ang 5-2 karta at manatiling nasa No. 3 spot sa team standings.
Bagama’t talo, solo pa rin sa No. 2 ang LPU na may 6-1 record.
Dikitan ang naging labanan sa set four, labasan ng husay ang players ng dalawang koponan kung saan ay nagtabla ang iskor sa 19-all pero naging mabalasik ang Lady Knights, kumana ng back-to-back service aces at isang malutong na palo ni Maquilang upang hawakan ang bentahe, 22-19.
Hindi basta nagpadaig ang Lyceum, pumalo dalawang puntos mula kay Venice Puzon para tapyasin sa isa ang hinahabol, 21-22 pero determinado ang Letran kaya nakuha ang panalo sa apat na sets.