MANILA, Philippines — Tatlong koponan ang isasabak ng Pilipinas sa darating na Touch World Cup 2024 sa Hulyo sa University of Nottingham sa England.
Sinabi kahapon ni Touch Association Pilipinas (TAP) chairman Colin Steley na nakatutok sila sa top-five finishes sa men’s women’s at mixed divisions.
“This is a very welcoming sport, we get a lot of support from Filipino-Australian rugby players, the Volcanoes (Philippine Rugby Team), in terms of training,” wika ni Steley sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nakatakda ang torneo sa Hulyo 15 hanggang 21 at pamumunuan ng mga koponan ng Australia at New Zealand.
Ang Pilipinas ang ikalawang pinakamalakas na tropa sa Southeast Asia bukod sa Singapore.
“The World Cup is the highest level of competition for the sport and everybody playing the sport is aiming to play in the event which is held every four years,” ani team member Carl Majabague sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT at ArenaPlus, ang 24/7 sports app sa bansa.
Nauna nang nagpadala ang bansa ng mga tropa sa Worlds kung saan tumapos ang mixed open team sa 9th place at ang women’s open team sa 12th place sa 2015 edition sa Coffs Harbour, Australia.
Pang-anim ang men’s open squad at pang-15 ang women’s open team noong 2019 edition sa Putrajaya, Malaysia.