MANILA, Philippines — Nagparamdam ng kahandaan si world champion Carlos Yulo matapos sumungkit ng gintong medalya sa FIG Artistics Gymnastics World Cup sa Doha, Qatar.
Isang solidong performance ang inilatag ni Yulo para masiguro ang ginto sa men’s parallel bars.
Nakalikom si Yulo ng impresibong 15.200 puntos upang angkinin ang unang puwesto.’
Pinataob ni Yulo si Hung Yuan-Hsi ng Chinese-Taipei na nagkasya lamang sa pilak bunsod ng nakuha nitong 14.966 puntos habang pumangatlo lamang si Caio Souza ng Brazil na nagsumite ng 14.566 puntos.
Bukod sa ginto, umani rin si Yulo ng pilak na medalya sa men’s vault.
Nagrehistro ang 24-anyos na Pinoy gymnast ng 15.066 puntos sapat para sa pilak.
Nanguna si Artur Davtyan ng Armenia na may 15.166 puntos habang napasakamay naman ni Yahor Sharamkou ng Belarusia ang tanso na may 14.749 points.
Magandang performance ito para kay Yulo na naghahanda para sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa France.
Kasama ni Yulo sa Paris Games sina Fil-Americans Aleah Finnegan at Levi Ruivivar na nakahirit din ng tiket sa women’s division.
Sa kabilang banda, sariwa pa si Ruivivar sa pag-angkin ng Paris Games berth sa World Cup Doha Leg.