UST, Kings magtutuos sa semis ng PNVF U-18

Iniskoran ni Lianne Penuliar ng UST ang player ng Canossa Academy.
PNVF

MANILA, Philippines – Pinalubog ng University of Santo Tomas ang Canossa Academy, 25-13, 25-15, 25-12, sa quarterfinals para walisin ang Pool A sa girls’ division ng 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Lalabanan ng No. 1 Junior Golden Tigresses sa semifinals ang No. 2 Kings’ Montessori School na bumigo sa San Juan Institute of Technology-Batangas, 25-15, 25-18, 25-12, sa quarterfinals.

Nauna nang tinalo ng UST ang KMS, 25-16, 25-23, sa group phase ng unang youth tournament na inorganisa ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.

Samantala, sasalang sa quarterfinals ang Pool B leader National University (5-0) kontra sa Pool A No. 4 La Salle-Zobel (2-3) habang sasagupain ng Pool B No. 2 La Salle-Lipa (4-1) ang Pool A No. 3 Gracel Christian College (3-2).

Magpapatuloy ngayong araw ang aksyon sa boys’ quarterfinals kung saan mangunguna ang mga walang talong Angatleta Sports-Orion, Bataan ng Pool A at Umingan, Pangasinan ng Pool B.

Haharapin ng Orion ang Pool B No. 4 Taytay, Rizal at makakatapat ng Umingan ang Pool A No. 4 Philippine Christian University.

Sasagupain ng Pool A second-placer La Salle-Lipa ang Pool B No. 3 VNS-Savouge habang magkikita ang Pool B No. 2 Hermosa, Bataan at Pool A No. 3 Canossa Academy of Lipa.

Show comments