MANILA, Philippines — Binuhay ng Phoenix ang tsansa sa quarterfinals matapos gibain ang NLEX, 112-77, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Arena sa Pasig City.
Naiwasan ng Fuel Masters na mahulog sa ikalawang dikit na kabiguan para itaas ang baraha sa 3-5 habang bagsak ang Road Warriors sa back-to-back losses para sa 5-3 record.
Umiskor si RJ Jazul ng 19 points tampok ang 6-of-9 shooting sa three-point range para sa Phoenix habang humakot si rookie forward Ken Tuffin ng 17 markers, 7 rebounds, 2 assists at 2 steals.
Nag-ambag si Jayjay Alejandro ng 16 points at may 11 at 10 markers sina Kent Salado at Jason Perkins, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni rookie Enoch Valdez ang NLEX sa kanyang 16 points, 9 boards at 2 assists.
Tinangay ng Fuel Masters ang 24-17 abante sa first period bago ibaon ang Road Warriors sa 79-62 sa pagtiklop ng third quarter.
Ipinoste ng Phoenix ang 39-point lead, 110-71, sa huling 1:28 minuto ng fourth period mula sa isang three-point play ni Ricci Rivero.