Lady Bulldogs lider na

MANILA, Philippines — Solo sa top spot ng team standings ang National University Lady Bulldogs matapos lapain ang Adamson University Lady Falcons, 25-16, 25-14, 25-18 sa UAAP Season 86 wo­men’s volleyball tournament na nilaro sa Philsports Arena sa Pasig kahapon.

Nakasiguro ang Lady Bulldogs ng playoff para sa twice-to-beat incentives na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng 14-game double round robin.

May kartang 11-2 ang NU, kailangan na lang nila na maipanalo ang kanilang huling laro upang makasi­guro sa inaasam na bonus.

“Nung first round nagkulang kami sa enjoyment. Ngayon nandoon na yung enjoyment saka yung maturity na kailangan hindi kami magrerelax na e­very game namin dapat all out pa rin kami kahit sino kalaban,” ani Alyssa Solomon na nagtala ng 14 points mula sa 12 attacks at tig-isang block at service ace.

Kalaban ng Lady Bulldogs sa kanilang huling laro ang fourth-placed na Far Eastern University Lady Tamaraws sa Miyerkules.

Tumulong din sa opensa para sa NU sina Kaye Bombita, Bella Belen at Myrtle Escanlar

Sa unang laro, luma­lakas ang tsansa ng Lady Tamaraws na makasampa sa top two ng team stan­dings matapos suwagin ang 25-20, 27-29, 25-21, 25-21 panalo laban sa University of the Philippines Lady Maroons.

 

Show comments