MANILA, Philippines — Sinandalan ng Mapua University sina rookie duo Raissa Ricablanca at Freigh Anne Garcia upang walisin sa tatlong sets ang Emilio Aguinaldo College, 25-19, 25-16, 25-21, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre kahapon.
Bumangon mula sa pagkakadapa ng dalawang sunod ang Lady Cardinals upang ilista ang 2-2 card habang nalasap ng Lady Generals ang four-game losing skid.
Sumalo sa three-way tie sa No. 4 ang Mapua habang nabaon sa ilalim ng team standings ang EAC na may 0-4 karta.
Nagtala si opposite hitter Ricablanca ng 16 points kasama ang 13 attacks, dalawang service aces at isang block.
Samantala, nakigulo sa tuktok ng team standings ang Lyceum matapos pagpagin ang University of Perpetual Help, 25-21, 24-26, 18-25, 25-22, 15-11 sa unang laro.
Tangan ang malinis na apat na panalo, kaparehong kartada ng Intramuros-based squad ang defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers at Letran Lady Knights.