MANILA, Philippines — Kahit swak na sa Final Four ay nais pa rin ng Far Eastern University na sikwatin ang panalo kontra sa University of the Philippines sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nasa pang-apat sa team standings ang Lady Tamaraws tangan ang 8-4 record, malaki pa ang tsansa nila sa top two pagkatapos ng 14-game elimination round.
Ito ay dahil may 10-2 karta ang magkasalo sa No. 1 sa team standings na defending champions De La Salle University Lady Spikers, 2023 runner-up National University Lady Bulldogs at University of Santo Tomas Golden Tigresses.
Mabibiyayaan ng ‘twice-to-beat’ incentive ang uupo sa Nos. 1 at 2 sa Final Four.
Sasandalan ng FEU sina Faida Bakanke, Chenie Tagaod, Gerzel Mary Petallo at Jean Asis para harapin ang UP.
Magsisimula ang paluan ng Lady Tamaraws at Lady Maroons ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Lady Bulldogs at Lady Falcons sa alas-4 ng hapon.
Sina Irah Anika Jaboneta, Nina Ytang, Joan Marie Monares at Stephanie Bustrillo ang aasahan ng Lady Maroons.