Letran sasalo sa itaas

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Colegio de San Juan de Letran ang ikaapat na sunod na panalo para sumosyo sa liderato ng NCAA Season 99 women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Lalabanan ng Lady Knights ang Jose Rizal Lady Bombers ngayong alas-10 ng umaga kasunod ang bakbakan ng San Beda at Arellano Lady Chiefs sa alas-2 ng hapon.

Humataw ang Letran ng 25-22, 25-21, 23-25, 25-15 panalo sa Emilio Aguinaldo College para sa kanilang 3-0 baraha katabla ang Lyceum of the Philippines University (3-0) sa ilalim ng back-to-back champions College of St. Benilde (4-0).

Sa nasabing panalo sa Lady Generals ay pumalo si rookie Yen Martin ng 16 points mula sa 15 attacks bukod sa 10 digs.

Nagdagdag si Gia Maquilang ng 12 markers at 15 receptions habang may 11 at 10 points sina Judiel Nitura at middle blocker Angelique Ledesma, ayon sa pagkakasunod.

Nakalasap ang Jose Rizal ng 13-25, 12-25, 20-25 kabiguan sa St. Benilde para sa kanilang 0-3 marka.

Show comments