MANILA, Philippines — Ipinoste ng Magnolia ang ikalawang dikit na panalo matapos gibain ang Phoenix, 107-93, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagtumpok si guard Mark Barroca ng 27 points kasama ang apat na three-point shots para sa 3-2 baraha ng Hotshots.
Humakot si 6-foot-8 center Ian Sangalang ng 23 markers, 9 rebounds, 5 assists at 1 block, habang may 13 at 11 points sina Jio Jalalon at Joseph Eriobu, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni RJ Jazul ang Fuel Masters, laglag sa 2-5 marka, sa kanyang 21 points tampok ang limang triples.
Nag-ambag si rookie forward Ken Tuffin ng 17 markers at may 16 at 11 points sina Jason Perkins at Javee Mocon, ayon sa pagkakahilera.
Lumayo ang Magnolia sa 30-18 sa pagbungad ng second period bago nagsalpak ang Phoenix ng isang 21-2 atake para agawin ang 39-32 bentahe sa 5:42 minuto nito.
Tinapos ng Fuel Masters ang first half bitbit ang 57-47 kalamangan.
Bumida naman sina Barroca at Sangalang sa third quarter para ibigay sa Hotshots ang 79-77 abante sa pagtatapos nito.
Isang 17-3 bomba ang inihulog ng Magnolia para iposte ang 96-80 kalamangan sa 6:21 minuto ng final canto.
Tuluyan nang nabaon ang Phoenix sa 85-103.