MANILA, Philippines — Limang sets ang kinailangan ng San Beda University para sakmalin ang San Sebastian College, 25-17, 25-23, 22-25, 21-25, 15-10, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Nagliyab ang opensa ni Angel Mae Habacon matapos magtala ng 25 points para sa San Beda na nilista ang unang panalo sa tatlong laro.
Maaga sanang naidispatsa ng Lady Red Spikers ang Lady Stags nang makauna sa dalawang sets, pero hindi basta nagpadaig ang huli at nakahirit ng deciding fifth set.
Naging matatag ang San Beda sa fifth set kaya nasungkit ang panalo at ipinalasap sa SSC ang ikatlong sunod na kabiguan.
Bokya pa rin sa panalo ang Lady Stags sa tatlong salang.
Nagdagdag sina Kleinerross Abraham at Erin Feliz Navarro ng 14 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Red Spikers.