MANILA, Philippines — Muling mabibigyan ng pagkakataon si Elreen Ando na masilayan sa Olympic Games matapos makahirit ng tiket sa Paris sa ginaganap na International Weightlifting Federation (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand.
Ito ang ikalawang pagkakataon na hahataw si Ando sa Olympics.
Una itong nasilayan noong 2021 Tokyo Olympics sa Japan kung saan hindi ito pinalad na makasungkit ng medalya.
Ang naturang taon din ang panahon kung saan napasakamay ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.
Sa World Cup na qualifying tournament para sa Paris Games, tinalo ni Ando si Diaz sa women’s 59kg division para masiguro ang pagpasok sa Olympics.
Bigo si Diaz na maisakatuparan ang ikalimang sunod na appearance sa Olympic Games.
Ipinasa nito ang pasanin kay Ando na siyang magwawagayway ng bandila ng P ilipinas sa naturang dibisyon.
Aminado si Ando na kumukuha ito ng inspirasyon kay Diaz na siyang iniidolo nito sa mundo ng weightlifting.
“Picture with my idol. Thank you for being my inspiration ate,” ani Ando sa kanyang post sa social media.
Mainit naman ang naging tugon ni Diaz na nagbigay ng congratulatory message kay Ando.
“Kalaro, kaibigan, kasama. Congrats (Elreen Ando) well-deserved to have the slot in Paris 2024,” ani Diaz.