UST hinataw ang 3-0 record sa PNVF U-18
MANILA, Philippines – Hinataw ng University of Santo Tomas ang ikatlong sunod na panalo matapos talunin ang La Salle-Zobel, 25-16, 25-20, sa 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Inilista ng Junior Golden Tigresses ang 3-0 record para manguna sa Pool A pareho ng baraha ng Pool B leader National University sa 12-team girls’ division ng unang youth tourney ng PNVF na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara.
Nauna nang pinadapa ng UST ang Kings’ Montessori School, 25-16, 25-23, at ang Limitless Sports Center, 25-8, 25-9.
Bagsak naman ang La Salle-Zobel sa 0-2.
Sa Pool B, winalis ng La Salle-Lipa (3-1) ang Parañaque City (0-2), 25-16, 25-21, habang itinakas ng San Juan Institute of Technology-Batangas (2-1) ang 25-20, 26-24 panalo sa Colegio de Los Baños (0-2).
Nakatakdang labanan ng UST ang Gracel Christian College (1-1) ngayong alas-11:30 ng umaga target ang ikaapat na sunod na ratsada.
Magtutuos ang La Salle-Zobel at Limitless Sports Center sa alas-10 ng umaga at maghaharap ang Colegio de Los Baños at Parañaque City sa ala-1 ng hapon.
Sa boys’ play, wagi ang Taytay, Rizal (2-0) sa Colegio de Los Baños (0-2), 25-20, 25-23, para makatabla ang Umingan, Pangasinan (2-0) sa itaas ng Pool B.
Hinataw ng La Salle Lipa (2-0) ang 25-16, 25-21 panalo sa Golden Whiskers Club (0-1) at kinuha ng Philippine Christian University (2-1) ang 25-21,19-25, 25-11 tagumpay sa Batangas Christian School (0-2) sa Pool A.
- Latest