‘Splash Brothers’ bumida sa Warriors
HOUSTON — Nagpakawala sina ‘Splash Brothers’ Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-29 points para gabayan ang Golden State Warriors sa 133-110 pagpapasabog sa Rockets.
Ito ang ikaanim na sunod na arangkada ng Golden State (42-34) para umupo sa 10th place sa Western Conference.
Nagsalpak si Curry ng dalawang three-point shots, habang pito ang ipinasok ni Thompson.
Humakot si rookie center Trayce Jackson-Davis ng career-high 20 points, 5 rebounds at 4 assists at may 10 markers si Andrew Wiggins na nagkaroon ng ankle injury sa fourth period at hindi na nakabalik.
Umiskor si Jabari Smith Jr. ng 24 points para pamunuan ang Houston (38-38) na nalaglag sa ikatlong dikit na kabiguan matapos magposte ng 11-game winning streak.
Ito ang ikatlong sunod na pagakkataon na tinalo ng Warriors ang Rockets ngayong season para sa kabuuang 13-0 sa regular-season games.
Sa Los Angeles, humataw si Paul George ng 28 points at may 20 markers si James Harden para sa 102-100 pagtakas ng Clippers (48-28) sa nagdedepensang Denver Nuggets 102-100.
Sa Dallas, tumipa si Luka Doncic ng 25 points para tulungan ang Mavericks (46-30) sa 109-95 pagpulutan sa Atlanta Hawks (36-41).
Sa Miami, kumamada si Tyrese Maxey ng 37 points, habang may 29 markers si Joel Embiid sa 109-105 pagpapalamig ng Philadelphia 76ers (42-35) sa Heat (42-34).
Sa New York, nagsumite si Jalen Brunson ng 35 points at 11 assists, habang nagtala si Josh Hart ng season-high 31 points sa 120-109 pagpapatumba ng Knicks (45-31) sa Sacramento Kings (44-32).
- Latest