UE pinalakas ang tsansa sa playoffs

UE's Casiey Dongallo.
UAAP Media Bureau

MANILA, Philippines — Napalakas ng University of the East ang tsansa nila sa playoffs matapos nilang kalusin ang A­damson University, 26-24, 23-25, 25-18, 25-20 sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum, kahapon.

Nakisalo ang Lady Warriors sa fifth spot sa team standings kasama ang Ateneo Lady Eagles at Adamson U na may tig-dalawang panalo sa walong laro.

Umusok ang opensa ni Casiey Dongallo nang ilista ang 28 points mula sa 25 attacks, dalawang blocks at isang service ace upang ilista ang 2-6 karta para sa Lady Warriors na gumanda ng bahagya ang karta.

“Sobrang saya po kasi before the game started pa lang po, sinasabi na namin ni Doc na we just have to play kung ano man yung laro namin, we have to give our all,” ani Dongallo.

Nag-ambag si Riza Nogales ng 17 points habang 10 at anim na puntos ang kinana nina Kayce Balingit at Kizzie Madriaga ayon sa pagkakasunod.

Nagtala si Ma. Rochelle Lalongisip ng 17 markers pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Lady Falcons, nagtala naman si Jean jamili ng 11 puntos.

Samantala, pakay ng UST na sikwatin ang nine-game winning streak sa pagharap nila sa last year’s runner-up National U sa alas-4 ng hapon.

Solo sa tuktok ng team standings ang Golden Tigresses sakmal ang 8-0 baraha.

Show comments