Lakers nakaganti sa 76ers

LOS ANGELES — Humakot si Anthony Davis ng 23 points at 19 rebounds at nagtala si D’Angelo Russell ng Lakers record para sa three-pointers sa single season sa kanilang 101-94 pagdaig sa Philadelphia 76ers.

Kumolekta si LeBron James ng 20 points, 8 rebounds at 6 assists sa pagpigil ng Los Angeles (38-32) sa seven-game losing skid sa kanilang matchup ng Philadelphia (38-32).

Huling tinalo ng Lakers ang 76ers noong Marso 3, 2020.

Inungusan naman ni Russell ang 3-pointers record na itinala ni Nick Van Exel noong 1994-95 season sa kanyang ika-184 triple sa first quarter.

Tumapos si Russell na may 14 points kasama ang apat na tres.

Umiskor si Tyrese Ma­xey ng 27 points para sa Philadelphia na muling naglaro na wala si injured MVP Joel Embiid.

Sa Detroit, bumanat si Jaylen Brown ng 33 points sa 129-102 demolisyon ng NBA-leading Boston Celtics (56-14) sa Pistons (12-58).

Sa Miami, nagtala si CJ McCollum ng 30 points sa 111-88 panalo ng New Orleans Pelicans (43-27) sa Heat (38-32).

Sa San Francisco, nagposte si Tyrese Haliburton ng 26 points at 11 assists sa 123-111 paggupo ng Indiana Pacers (40-31) sa Golden State Warriors (36-33).

Show comments