MANILA, Philippines — Nais ni Angel Canino na akayin ang defending champions De La Salle University para masikwat ang ikaanim na panalo kontra sa National University sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Aarangkada ang paluan ng Lady Spikers at Lady Bulldogs ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang bakbakan ng league leader University of Santo Tomas Golden Tigresses at Adamson Lady Falcons sa alas-4 ng hapon.
Hawak ang 5-1 karta, puro straight sets ang panalo ng Taft-based squad pero matindi ang makakalaban ng DLSU dahil kasalo nila sa No. 2 spot ang mabangis na NU.
Bukod sa reigning MVP na si Canino ay huhugot din ng lakas ang Lady Spikers kina Thea Gagate at Shevana Laput at tutulong sa depensa si libero Lyka De Leon.
Tumikada si Canino ng 16 points mula sa 13 attacks, 2 blocks at 1 service ace nang talunin ng Lady Spikers ang University of Philippines Lady Maroons, 25-15, 25-17, 25-18.
Ipantatapat ng Lady Bulldogs sina Mhicaela Belen, Evangeline Alinsug at Alyssa Solomon.
Magaang din na tinalo ng NU ang University of the East sa huli nilang laro.
Samantala, pakay naman ng Golden Tigresses na manatiling malinis ang karta sa pagtatapos ng first round tangan nila ang 6-0 karta sa pagharap sa Lady Falcons.