MANILA, Philippines — Wala pang kasiguruhan kung makakalaro na ang pambato ng Pilipinas na si Rhenz Abando para sa Anyang sa pagsisimula ng East Asia Super League (EASL) Final Four sa Hoops Dome dito sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Iniinda ni Abando ang back injury na nadale sa pagbabalik niya sa Korean Basketball League (KBL) noong nakaraang linggo kaya titingnan pa kung makakasalang siya para sa Jung Kwan Jang Red Boosters na sasagupain ang kapwa Korean team na Seoul SK Knights.
Makakaharap ng Anyang ang Seoul, tinalo nila para sa korona ng KBL at EASL Champions Week noong nakaraang taon, ngayong alas-5 ng hapon bago ang laban ng New Taipei Kings at Chiba Jets ng Japan sa alas-8 ng gabi.
Sa Linggo naman ang finals tampok ang $1 milyong premyo para sa magiging kampeon sahog pa ang karangalan bilang hari ng EASL sa kauna-unahan nitong home-and-away season na kinatampukan din ng PBA na TNT Tropang Giga at at Meralco.
Matatandaang nagtamo ng seryosong back injury ang Gilas Pilipinas ace kaya hindi nakalaro ng ilang buwan bago magbalik-aksyon kontra sa Goyang sa KBL nitong Linggo.
Bagama’t hindi pa 100% ay nangako si Abando na gagawin niya ang lahat para manalo ang Anyang sa SK Knights.