MANILA, Philippines — Swak sa quarterfinal round si Rogen Ladon sa World Qualification Tournament para sa 2024 Paris Olympics matapos manalo sa second round sa Busto Arsizio, Italy.
Tinalo ni Ladon si Said Mortaji ng Morocco via second-round knockout win papasok sa Round of 16 ng men’s 51 kilogram division.
Makakatapat ng pambato ng Bago City sa quarterfinals si Kiaran MacDonald ng Great Britain.
Umiskor si MacDonald ng isang referee-stopped-contest (RSC) kontra kay Trinidad and Tobago bet Al Jaleel Ortega Jokhu.
Pasok naman si John Marvin sa Round of 32 matapos talunin si Pouria Amiri ng Iran via RSC sa men’s 92kg class.
Haharapin ng Filipino-English boxer si Kevin Prudence Lonlon Ko Kuadjovi ng Togo na nakakuha ng opening round bye.
Kasalukuyan pang nakikipaglaban sina Mark (men’s 92kg), Ashley Fajardo (men’s 63.5kg), Ronald Chavez Jr. (men’s 71kg), Claudine Veloso (women’s 54kg) at Nesthy Petecio (women’s 57kg) para sa tiket sa Round of 16 habang isinusulat ito kagabi.
Nakatakda namang lumaban sina Carlo Paalam sa men’s 57kg at Aira Villegas sa women’s 50kg classes ngayon.
Samantala, sibak si Hergie Bacyadan sa women’s 75kg matapos ang 2-3 split decision loss kay Viviane Pereira ng Brazil sa first round.
Nauna nang napatalsik si Riza Pasuit.
Minalas si Pasuit kay Krisandy Rios ng Venezuela sa first round ng women’s 60kg category.