James, Lakers sinapawan ang Clippers

Niliparan ni LeBron James ng Lakers ang depensa ng Clippers para sa kanyang layup.

LOS ANGELES — Humugot si LeBron James ng 19 sa kanyang 34 points sa fourth quarter para tulungan ang Lakers na makaba­ngon mula sa isang 21-point deficit at agawin ang 116-112 panalo sa Clippers.

Nagdagdag si Anthony Davis ng 20 points at 12 rebounds para sa Lakers (32-28) at may 18 at 17 markers sina D’Angelo Russell at Rui Hachimura, ayon sa pagkakasunod.

Umiskor si Kawhi Leo­nard ng 26 points at nagtala si James Harden ng 23 points at 9 assists sa panig ng Clippers (37-20) na nalasap ang ikalawang dikit na kabiguan.

Mintis ang 12-footer ni Leonard sa posesyon ng Clippers sa huling limang segundo na nagresulta sa pasa ni James kay Cam Reddish para sa slam dunk nito na sumelyo sa panalo ng Lakers.

Sa Denver, inilista ni Nikola Jokic ang 14 points, 14 rebounds at 11 assists para sa ikaapat na triple-double sa 117-96 paggupo ng nagdedepensang Nuggets (40-19) sa Sacramento Kings (33-25).

Sa Minneapolis, kumamada si Anthony Edwards ng 34 points sa 110-101 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves (42-17) sa Memphis Grizzlies (20-39).

Sa Toronto, tumapos si Luka Doncic na may 30 points, 16 assists at 11 rebounds para sa kanyang ika-11 triple-double sa season at igiya ang Dallas Mavericks (34-25) sa 136-125 pagdaig sa Raptors (22-37).

Show comments