Corteza, Centeno winalis ang Las Vegas 10-Ball Open
MANILA, Philippines — Hinablot ni Lee Van Corteza ang korona sa katatapos na Predator Pro Billiard Las Vegas men’s Open, 10-Ball matapos kalusin sa all-Pinoy finals si Carlo Biado, 2-0 kahapon sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas.
Ipinakita muli ng Pilipinas ang husay ng Pinoy sa larangan ng bilyar nang sikwatin ang 1-2 finish sa event na may guaranteed prize na $100,000.
Hinamig ni Corteza ang $30,000 habang P14,000 ang ibinulsa ni 2017 WPA World Nine Ball king Biado.
Nagkaroon ng All-Filipino finals nang talunin nina Corteza at Biado sa semifinals sina Chung Ko Ping, 2-0 ng Chinese Taipei at Francisco Ruiz, 2-0 ng Spain.
Samantala, nagkampeon naman si Pinay pool player Chezka Centeno sa Predator Pro Billiard Series women’s showdown matapos pasarguhin sa finals si Shiming Chen, 2-0 ng China.
Bago sumampa sa finals si Centeno ay dinaanan nito sina US pool player Allison Fisher, reigning WPA World 9-Ball women’s champion Chou Chieh-Yu ng Chinese Taipei at Seoa Seo ng Korea.
Pinagpag ni Centeno si Fisher sa last 16, 2-0, pinatalsik si Yu sa quarterfinals, 2-1 at saka tinalbos si Seo, 2-0 sa semifinals kaya naka-date niya si Siming Chen ng China sa championship round.
Nakopo ni Centeno ang $18,000 premyo.
- Latest