Chargers ligwak sa HD Spikers

Nailusot ni Vanie Gandler ng Cignal ang kanyang spike laban kina Faith Nisperos at Fifi Sharma ng Akari.
PVL photo

MANILA, Philippines — Diniskaril ng Cignal HD ang Akari debut ni Ced Domingo matapos hatawin ang 21-25, 25-18, 25-12, 25-18 panalo sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kumamada si Vanie Gandler ng 19 points mula sa 17 attacks, 1 ace at 1 block para sa 1-0 record ng HD Spikers.

“It feels good of course, our preparation was very short. But I’m happy that the team was able to come together after that first set,” wika ni Gandler.

Sumuporta si Ces Molina sa kanyang 18 mar­kers habang may 16 at 13 points sina Rose Doria at Riri Meneses, ayon sa pagkakasunod.

Tumapos si Domingo, umalis sa Creamline at nag­laro para sa six-time Thailand Volleyball League winner Nakhon Ratchasima VC, na may limang puntos sa panig ng Chargers.

Sa unang laro, nagposte si Mylene Paat ng 10 points mula sa siyam na attacks at isang ace para pamunuan ang Chery Tiggo sa 25-12, 25-17, 25-19 dominasyon sa baguhang Strong Group Athletics.

Sinolo ng Crossovers ang liderato sa kanilang 2-0 marka at inilaglag ang Athletics sa 0-2 baraha.

“Na-execute naman namin iyong mga magagan­dang plays, kaya happy naman kahit papaano,” sabi ni Chery Tiggo coach Kungfu Reyes na nakahugot kina EJ Laure, Cess Robles at Cza Carandang ng siyam at tig-pitong marka, ayon sa pagkakasunod.

Nanggaling ang Crossovers sa 25-6, 25-15, 25-15 paggupo sa bagitong Capital1 Solar Spikers sa pagsisimula ng torneo.

Pumalo sina Dolly Versoza, Sheeka Espinosa at Justine Rebleza ng tig-walong puntos para sa SGA.

Show comments