PBA lilipat sa RPTV

MANILA, Philippines — Namumurong maging bago at permanenteng broadcast home ng PBA ang RPTV.

Mula sa A2Z para sa Commissioners’ Cup na unang conference ng PBA Season 48 ay sa RPTV na mapapanood ang liga simula sa Philippine Cup at posibleng sa mga susunod pang seasons, ayon kay Commissioner Willie Marcial.

Kasalukuyang nasa ne­gosasyon ang PBA sa TV5 na siyang partner ng RPTV para sa naturang posibilidad na magbibigay ng mas magandang platform para sa PBA fans matapos ang palipat-lipat na aksyon sa Commissioner’s Cup.

Sa Pebrero 28 lalarga ang Philippine Cup tampok ang double-header sa Ynares Sports Center sa Antipolo City bida ang Blackwater kontra sa Meralco at Talk ‘N Text laban sa Rain or Shine.

Orihinal na TV5 ang broadcaster ng PBA simula sa nakalipas na dekada subalit binuhos ng network ang atensyon nito sa enter­tainment bago malipat sa One Sports ang PBA games.

Kung matutuloy, hindi lang PBA regular season games ang mapapanood sa RPTV kundi pati na rin ang PBA D-League, PBA 3x3 at PBA Esports. Araw-araw at buong araw din dito ang palabas ng PBA kumpara sa dating set-up na Miyerkules, Biyernes, Sabado at Linggo.

Ipapalabas pa rin ang PBA games bagama’t sa delayed telecast sa ibang mga araw sa A2Z habang live at on-demand ito sa cable channel na PBA Rush at livestreaming app na Pilipinas Live.

Show comments