MANILA, Philippines — Simula na ang Predator Pro Billiard Series Women’s Showdown event ngayong araw pero hindi pa tutumbok ang pambato ng Pilipinas na si world champion Chezka Centeno.
Sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas ginaganap ang tumbukan, naghihintay ang 24-year-old na si Centeno ng makakalaban na manggagaling sa Round 1 match.
Kasalukuyang nagtutumbukan sina Pinay cue artist Dori De Leon at Emilyn Collado, kung sino man ang manalo ay makakalaban si reigning WPA World Ten-Ball women’s champion, Centeno.
Kaya nasama si Centeno na sumargo sa pres-tihiyosong Las Vegas Open Women na parte ng CueSports International Expo ay dahil sa pagi-ging world champion nito noong nakaraang taon sa Austria.
Mga tigasing cue artists ang kasali kaya tiyak na dadaan sa butas ng karayom si Centeno bago matumbok ang korona.
Nasa listahan si reigning WPA World 9-Ball women’s champion Chou Chieh-Yu ng Chinese Taipei, nag-aabang din ng makakalaban sa mananalo sa Match 1 ng round 1 sa pagitan nina Veronique Menard ng Canada at Soledad Ayala ng Argentina.
Ang ibang seeded players na kasali ay sina Allison Fisher ng USA, Kelly Fisher ng United Kingdom at Seoa Seo ng South Korea.
Kukubrahin ng magkakampeon ang $18,000 habang $10,500 sa second placer.