MANILA, Philippines — Ang pagdiretso sa pang-limang sunod na panalo ang pakay ng University of Perpetual Help sa pagharap sa Arellano University sa Season 99 junior basketball tournament sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng Junior Altas ang Braves ngayong alas-2:30 ng hapon kasunod ang upakan ng San Sebastian Staglets at Jose Rizal Light Bombers sa alas-4:30 ng hapon.
Sa unang laro sa alas-8 ng umaga ay magtatapat ang Mapua Red Robins at nagdedepensang Letran Squires habang lalabanan ng St. Benilde Junior Blazers ang San Beda Red Cubs sa alas-10 ng umaga.
Magtutuos sa alas-12 ng tanghali ang Lyceum Junior Pirates at Emilio Aguinaldo College Brigadiers.
Kasalukuyang magkasosyo sa liderato ang Perpetual at Mapua sa magkatulad nilang 4-0 baraha kasunod ang Letran (3-1), San Sebastian (3-1), San Beda (2-2), St. Benilde (1-3), EAC (1-3), Jose Rizal (1-3), Arellano (1-3) at Lyceum (0-4).
Ipinoste ng Junior Altas ang ikaapat na dikit na ratsada matapos ang 78-56 pagbugbog sa Red Cubs tampok ang 19 points, 6 rebounds, 5 assists at 2 steals ni Jan Pagulayan.
Nakalasap naman ang Braves ng 81-85 kabiguan sa Junior Blazers sa kanilang huling laro.