Lady Spikers pinana ang Lady Tams
MANILA, Philippines — Mabilis na ginilitan ng defending champions De La Salle University Lady Spikers ang Far Eastern University Lady Tamaraws matapos panain ang 25-20, 25-17, 25-22 panalo sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournement kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nahirang na Best Player of the Game si Lyka De Leon matapos magrehistro ng 16 excellent digs at 12 excellent receptions upang akbayan ang Taft-based squad sa kanilang pangalawang sunod na panalo.
Nanatili sa tuktok ng liderato ang Lady Spikers na may 2-0 karta at sunod nilang makakalaban ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Linggo sa alas-4 ng hapon sa MOA Arena.
Nasilayan agad ng mga volleyball fans ang tikas ng Lady Spikers sa unang dalawang sets at nagpatuloy ang dominasyon sa third frame upang tapusin ang laban.
Pinamunuan ni reigning rookie-MVP Angel Canino ang La Salle matapos magtala ng game-high 13 markers.
Sa dalawang panalo ng Lady Spikers ay pareho nilang winalis sa tatlong sets ang kanilang nakatunggali kaya naman ramdam ng ibang teams ang lakas ng nagtatanggol na kampoen.
Pinagpag ng La Salle ang Adamson University, 25-16, 25-16, 25-18, sa opening day ng liga.
Para kay La Salle assistant coach Noel Orcullo kahit naka-dalawa na silang panalo ay marami pa silang dapat ayusin sa kanilang laro.
- Latest