MANILA, Philippines — Nakatakdang lumahok si Tokyo Olympic Games gold medalist Hidilyn Diaz sa isang torneo sa Phuket, Thailand sa Abril 3.
Ito ay kasama sa kanyang preparasyon para sa inaasahang paglahok niya sa 2024 Paris Olympics na nakaiskedyul sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.
Kasalukuyang nakaupo ang tubong Zamboanga City sa No. 7 sa IWF Olympic Qualifying Rankings.
At kailangan niyang manatili sa Top 10 matapos ang pinakahuling qualifier sa Thailand para sa kanyang pang-limang sunod na Olympic stint.
“Gold ang goal, siyempre,” sabi ni Diaz na ipinagdiwang ang kanyang ika-33 kaarawan noong Pebrero 20.
Nauna nang nakapagbulsa ng tiket sa Paris Games sina World No. 2 pole vaulter EJ Obiena, boxer Eumir Felix Marcial at gymnasts Caloy Yulo at Aleah Finnegan.
Inaasahang may mga Pinoy athletes pang makakakuha ng Olympic berth.