Capital1 ‘di nakaporma sa Chery Tiggo

Nilansi ni Eya Laure ng Chery Tiggo si Sydney Mae Niegos ng Capital1.
PVL photo

MANILA, Philippines — Bumanat si Ara Galang ng 12 points mula sa 9 attacks, 2 aces at 1 block para banderahan ang Chery Tiggo sa 25-6, 25-15, 25-15 paggupo sa bagitong Capital1 Solar Energy sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nagdagdag si Mylene Paat ng 11 markers para sa Crossovers habang may 6 at tig-5 points sina Aby Maraño, Eya Laure at Pauline Gaston, ayon sa pagkakasunod.

Pinangunahan ni Ja­nine Navarro ang Solar Spi­kers sa kanyang 6 points kasunod ang 5 mar­kers ni Sydney Mae Niegos.

Dumikit ang Capital1 sa 10-16 sa third set kasunod ang 8-3 atake nina Galang, Maraño at Shaya Adorador para sa 24-13 match point ng Chery Tiggo.

Huling naghamon ang Solar Spikers sa 15-24, ngunit ang napalakas na service ni Shyra Mae Umandal ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Crossovers.

Samantala, pumalo si Nicole Tiamzon ng 15 points mula sa 13 attacks at 2 aces para sa 25-12, 25-20, 25-12 dominasyon ng Petro Gazz sa bagitong Strong Group Athletics.

Nagdagdag si Marian Buitre ng 8 markers at may 7 points si Fil-Am Brooke Van Sickle para sa Gazz Angels ni Japanese coach Koji Tsuzurabara.

“Probably first game jitters, a little bit. But you know, it’s still good to be able to play and start PVL with a win,” ani Van Sickle sa kanyang mahinang produksyon matapos hiranging MVP ng PNVF Champions League na kanilang pinagreynahan.

Show comments