Fajardo target ang 4th FIBA World Cup appearance
MANILA, Philippines — Kung papalarin, si seven-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ang kauna-unahang Pinoy na masisilayan sa FIBA World Cup ng apat na beses.
Kaya naman umaasa ang 33-anyos miyembro ng San Miguel Beer na manatiling maganda ang kundisyon nito para makaabot sa 2027 edisyon ng FIBA World Cup sa Doha, Qatar.
Tatlong beses nang nasilayan si Fajardo sa FIBA World Cup.
Una noong 2014 na ginanap sa Seville, Spain kasunod noong 2019 sa Beijing, China at ang pinakahuli noong 2023 edisyon na ginanap sa Pilipinas.
Para kay Fajardo, malaking karangalan na magsuot ng Gilas Pilipinas jersey at maging bahagi ng national team sa mga international tournaments.
“We will see if that happens but of course, if that happens, it’s going to be an honor and I’m happy to be playing at Gilas. Of course, I wish I could play in World Cup by then,” ani Fajardo.
Kasalukuyang nagpapahinga si Fajardo matapos magtamo ng injury sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup finals sa pagitan ng San Miguel at Magnolia.
Kaya naman hindi ito makalalaro sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers 2025 kung saan makakalaban ng Gilas ang Hong Kong at Chinese-Taipei.
Wala rin si AJ Edu sa lineup ng Gilas Pilipinas na gaya ni Fajardo ay nagpapagaling pa sa injury.
Magiging kapalit nina Fajardo at Edu si Barangay Ginebra slotman Japeth Aguilar na makakatuwang ni Kai Sotto sa naturang posisyon.
- Latest