MANILA, Philippines — Magtutuos ang mga unbeaten teams na Cignal HD at Iloilo D’Navigators para sa men’s crown ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League.
Ito ay matapos talunin ng HD Spikers ang VNS Asereht Griffins, 25-14, 25-15, 25-22, at gibain ng D’Navigators ang St. Benilde Blazers, 25-21, 25-16, 25-19, sa knockout semifinals noong Huwebes ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Nakatakda ang gold medal match ng Cignal at Iloilo ngayong alas-5:30 ng hapon sa torneong inorganisa ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.
Maglalaban para sa bronze ang VNS at St. Benilde sa alas-3 ng hapon.
Sa classification matches, binigo ng Savouge Spin Doctors ang Philippine Air Force, 25-21, 25-18, 25-18, at iginupo ng Philippine Army ang Philippine Navy, 25-23, 25-17, 25-17.
Pag-aagawan ng Savouge at Army ang fifth place at paglalabanan ng Air Force at Navy ang seventh at eighth spots para kumpletuhin ang final rankings ng eight-team men’s tournament.