Lebron Jhames bumandera sa Junior Altas

Dumakdak si Lebron Jhames Daep (34) sa thjird quarter laban sa Lyceum of the Philippines University.

MANILA, Philippines – Humataw si Lebron Jhames Daep ng 22 points para banderahan ang University of Perpetual Help sa 89-75 na paggiba sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 99 junior basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.

Kabilang sa mga pagpapasikat na ginawa ng 6-foot-7 na si Daep ay ang isang putback dunk sa third quarter kung saan tinambakan ng Junior Altas ang Junior Pirates, 73-55.

Nagtala rin ang tubong Legazpi, Albay ng five rebounds, four assists, four steals at one shot block.

“Nandiyan po siya para suportahan ako palagi kung saan ako pumunta,” sabi ni Daep sa kanyang amang si Rommel na miyembro ng San Sebastian Stags NCAA five-peat-winning team mula noong 1993 hanggang 1997 at kasalukuyang UPHSD big man coach.

Si Milwaukee Bucks superstar Giannis Anteto-kounmpo ang iniidolo ng 17-anyos na si Daep.

Samantala, pinabagsak ng Mapua Red Robins ang Arellano Brigadiers, 82-78, para sa una nilang panalo.

Umiskor si rookie Lawrence Manguba ng Liloan, Cebu ng 20 points habang may 13 markers si Aki Valina para sa Red Robins.

Show comments