Bolts laglag sa SK Knights

MANILA, Philippines — Sinamantala ng Seoul SK Knights ang kakulangan sa players ng Meralco para angkinin ang 72-62 panalo sa East Asia Super League sa Jamsil Student’s Gymnasium.

Pitong key players sa pamumuno ni Chris Newsome ang hindi naglaro para sa Bolts sa kanilang final game sa Home and Away season ng regional meet.

Humakot si import Shonn Miller ng 23 points at 8 rebounds para sa 1-5 baraha ng Meralco sa torneo habang humablot ang bagong hugot na si Alioune Tew ng 10 points at 21 rebounds.

Nag-ambag si Alvin Pasaol ng 14 points para sa Bolts na naglaro nang wala sina Newsome, Allein Maliksi, Bong Quinto, Raymond Almazan, Chris Banchero, Aaron Black at Cliff Hodge.

Inilista naman ng SK Knights ang 4-2 marka para sumosyo sa New Taipei Kings sa top spot ng Group B patungo sa Final Four sa Cebu City.

Kumamada si Leon Williams ng 25 points, 19 rebounds at 3 steals para sa Seoul team na nakahugot ng 19 points kay Ilyoung Heo.

Show comments