Women’s races dinomina nina Prado, Bonilla at Altamarino
MANILA, Philippines — Ipinadyak nina Jermyn Prado, Kim Bonilla at Angelica Mae Altamarino ang kanilang mga ikalawang gold medal sa women’s races, habang bumandera si Nichol Pareja sa men’s competitions sa individual time trial (ITT) ng PhilCycling National Championships for Road 2024 na itinakbo sa Tuy at Nasugbu in Batangas.
Tumipa si Prado, ang dating Southeast Asian Games gold medalist, ng bilis na 43 minuto at 40.64 segundo sa 19.91-kilometer Women Elite race sa event na inihahandog ng Standard Insurance at MVP Sports Foundation at inorganisa ng PhilCycling at nasa kalendaryo ng International Cycling Union (UCI).
Nagdomina si Bonilla sa 10.68-km Women Junior competition sa kanyang tiyempong 26:43.60, habang bumandera si Altamarino sa 14.34-km Women Under-23 race sa bilis na 37:15.89.
Nauna nang nagwagi sina Prado, Bonilla at Altamarino sa criterium races ng torneong suportado ng Tagaytay City, Chooks-To-Go, Excellent Noodles, CCN at Fitbar katuwang ang mga local government units sa Batangas at Cavite at PNP commands sa Batangas at Cavite at Bureau of Fire.
Samantala, nagsumite si Pareja ng 44:24.93 na apat na segundong mas mabilis sa gold medal-winning time sa nakaraang Philippine Nationals Games noong Disyembre para pagharian ang 25.78-km Men Elite race.
Pumadyak din ng ikalawang gintong medalya sina Yvaine Osias at Jhay Karl Nunez sa Youth 2 (under 14) sa kanilang mga oras na 13:45.53 at 11:12.60, ayon sa pagkakasunod.
Wagi si Maria Louisse Alejado sa women’s division sa kanyang tiyempong 23:12.60, habang nanguna si Jerick Cabael sa men’s class sa oras na 18:49.30 sa 5.38-km Youth 1 (under 14) race.
Bumandera naman si Samstill Mamites sa 10.68-km Youth 2 (14-16) competition.
- Latest