BANGKOK, Thailand — Patuloy ang pananalasa ni Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout Mikhael Jasper ‘Mikee’ Mojdeh nang masungkit nito ang gintong medalya sa 2024 Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships na ginaganap sa Assumption University Aquatic Center (ABAC) sa Suvarnabhumi Campus dito.
Inirehistro ni Mojdeh ang impresibong isang minuto at 24.34 segundo upang masiguro ang unang puwesto sa boys’ 8-year 100m backstroke event.
Inilampaso ni Mojdeh sina Anand Chinziong ng Mongolia na nagkasya sa pilak tangan ang malayong 1:36.08 at Nittipong Kongkyot ng host Thailand,na nagsumite ng 1:37.06 para sa tanso.
“It is my first gold medal in international tournament and I am happy to win it in a strong field like this, competing against some of the region’s best young swimmers. But I’m not yet done, I want to win more for our country,” ani Mojdeh.
Inangkin ni Mojdeh ang kanyang ika-2 ginto sa 50m backstroke sa isinumiteng 37.70 tiyempo para igupo sina Kittipong Kongkyot (42:85) ng host country at Soninbayar Orgilbayar (43:44) ng Mongolia.
May limang medalya na si Mojdeh.
Maliban sa ginto, humirit din si Mojdeh ng pilak sa 50m freestyle at tanso sa 50m breaststroke at bahagi ito ng nakatanso sa 4x50m medley relay.
Nagparamdam din ng lakas ang kuya nitong si Behrouz Mohammad Mojdeh na kumana ng pilak sa boys’ 200m butterfly sa itiyempong 2:27.43.